Daluyong

Sa ilalim ng araw na nasa tugatog ng kanyang kaitaasan, tila magliliyab ang aking buhaghag na buhok. Sa sementadong kalsada ng siyudad ng Tacloban, pinapasok ng init ang suwelas ng aking sapatos. T-shirt at tatlong taong pantalon ang tangi sanang proteksyon ng payat kong katawan, mabuti nalang may sombrerong buri na ipinamigay bago magsimula ang martsang halos buong taong pinaghandaan. Sa aking likuran at harapan ay ang hanay ng mga taong hindi ko na matanaw ang dulo at unahan. Iyon na siguro ang huling malaking pagkilos na aking dinaluhan bago ko tuluyang lisanin ang unibersidad na humubog sa aking kamulatan.

Nang pumasok ako sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), mahigpit na payo ng aking mga magulang na iwasan ko ang pagiging “aktibista” sapagkat ang UP ang nagluwal sa hindi mabilang na mga aktibista o kung tawagi’y tibak—hindi nakapagtapos, namundok, dinukot, at pinatay. Araw-araw bago magsimula ang pasukan, hanggang sa unang araw ng aking pagpasok sa isa sa pinakatanyag na pamantasan ng bansa, “huwag maging aktibista” ang laging sambit ng aking ina. Ngunit unang klase pa lamang sa Agham Panlipunan 1 (Social Science 1), nagsimula nang lumuwag ang mahigpit na payo nila. Damang-dama ko ang diskurso sa loob ng silid-aralan. Ang hiyaw ng mga tinaguriang ‘mababa’ sa ating lipunan ay dinig-na-dinig ko kahit sa gitna ng katahimikan at kaginhawaan na aking natatamasa. Ang kamulatang ito ang humatak sa akin palabas ng paaralan upang baybayin ang langsangan kasama ang masang inaapi at mga taong namulat din katulad ko.

Simula noon, parang droga na nakaka – adik ang pagiging kritikal sa mga isyung kinakaharap ng ating lipunan, ang pagsigaw at pagtugon, ang pakikipag-usap sa mga manggawa’t magsasaka, at ang pagbisita sa mga komunidad. Nakilala ko ang mga taong buhay ang iniaalay para sa ganap na kalayaan. Hindi lang pala ako ang nakaririnig sa pagsusumamo ng mga naaapi. At higit sa lahat, nawari kong, isa rin pala ako sa nakakaranas ng pang-aapi—patuloy na pagtaas ng matrikula, hindi makatarungang sahod na natatanggap ng aking mga magulang, kolonyal na paraan ng pagtuturo ng aking mga guro, at marami pang iba. Sa lansangan ko nawari, kasama ang masa kung ano ang tunay na kahulugan ng oblation—tatak ng Unibersidad ng Pilipinas at bawat Iskolar ng Bayan—magsilbi sa bayan.

Ang lahat ng aking nalalaman ay mas pinaangat pa ng aking mga kasama sa pakikibaka. Hindi lang sa labas ng paaralan nagagamit ang aralin ng isang aktibista. Sa loob ng paaralan, ang tibak ang siyang laging nangunguna sa pagpapalawak ng diskusyon para maisali ang obhetibong kalagayan ng komunidad. Ang aktibista ang nagmumulat sa kapwa niya kabataan na patuloy na binubulag ng kanluraning panunuri. Siya ang laging handang manguna sa paglikha ng kasaysayan. At sa pagbaybay sa kasaysayan, at sa pagpulot ng mga aral mula dito – ay natagpuan ko ang bagama’t hindi ko hinahanap ay natumbok ang parang kulang sa aking kamulatan. Hindi man ako bahagi ng nakaraan, nakatutuwang paghalawan ng leksyon ang sa noon.

Noong dekada 70 sa panahon ng rehimeng Marcos, bago ang EDSA Revolution ng 1986, laksa-laksang mamamayan na pinangunahan ng mga kabataan ang nag-martsa sa mga kalsada upang pigilan ang patuloy na pangbubusabos ng rehimen sa mga mamamayan. Lantaran ang pangugurakot ng rehimen. Kaliwa’t kanan ang walang hustisyang pagpatay sa mga kritiko ng kurap na gobyerno. Sunud-sunuran din ang rehimen sa gobyerno ng Estados Unidos. Kaya naman, binuo at ikinasa ang Kabataang Makabayan (KM) na pinangunahan ni Jose Maria Sison. Kasabay ng iba pang kilusang masa ang mga serye ng protestang dinadaluhan ng 50,000 – 100,000 mamamayan sa Kamaynilaan. Ito ang Sigwa ng Unang Kwarto (First Quarter Storm) na nagbigay daan sa pakikibakang bayan na hanggang ngayon ay walang takot na tinatahak ang digmaan para sa ganap na kalayaan at pantay-pantay na karapatan. Bagama’t madugo ang Sigwa ng Unang Kuwarto, hindi pa rin maikakaila ang tagumpay nitong sinimulan dahil ramdam pa rin ito ng kabataan ng panahon ngayon – ang isang makabagong rebolusyong kultural; pulitika ng lansangan, pagkilos sa lansangan, “Makibaka, huwag matakot!”

Bago pa man mag-alab ang damdamin ng mga kabataang makabayan, isang tanyag na bayani na ang nagtagumpay sa digmang bayan. Ang “Kataastaasang Kagalanggalangan Katipunan ng mga Anak ng Bayan” (KKK o Katipunan) na pinamunuan ni Gat Andres Bonifacio noong 1892 ang siyang nagpa-apoy sa diwa ng rebolusyon. Ang armadong pakikibaka na tinahak ng Katipunan upang ganap na lumaya ang Pilipinas sa pang-aabuso ng kolonyalistang Espanya ay nagsimula sa pagkakaisang nabuo sa pagitan ng mga inaaping maralita.

Si Bonifacio, ang Kabataang Makabayan, at ang nagkakaisang mamamayan ang nagdala sa akin kasama ang hanay ng masa sa araw na iyon.

“Hustiya para ha mga biktima han bagyo Yolanda!” (Hustiya para sa mga biktima ng bagyong Yolanda!) ang sigaw ng kasamang kasabay ko sa paglalakad. “Hustiya!”, ang tugon naman naming lahat. 20,000 mamamayan ang nagkaisa para papanagutin ang kriminal na kapabayaan ng gobyernong Aquino sa lahat ng mga biktima ng pinakamalakas na bagyong tumama sa ating bansa. Ang init ng panahon ay kabaliktaran sa hangin at tubig na humagupit sa buong rehiyon ganap na isang taon matapos ang araw na iyon. Kung dati’y mga walang buhay na mga katawan ang nagkala sa kalsada, nakahilera sa halos buong espasyo ng lansangan, ngayo’y buhay na buhay at umaalimpuyo sa galit ang mga taong buong lakas na ipinaglalaban ang kanilang mga karapatan bilang mamamayan. Ika-8 ng Nobyembre, taong 2014—lumikha na naman ng kasaysayan ang masang anakpawis, ng mga mangagawa’t magsasaka, at mga nasa gitnang uri sa buong sentro ng rehiyon.

The quick brown fox jumps over the lazy dog - foxPH
Ang libu-libong dumalo sa demonstrasyon sa okasyon ng paggunita sa Ikalawang taong anibersaryo mula nang tumama ang bagyong Yolanda sa Tacloban.

Muli, tinatawagan na naman ang pwersa ng kabataan na umanib sa kalakhang masa upang tuluyang tapusin ang mga paghihirap na ito. Muli na naman tayong hinahamon ng panahon na patunayang tayo ang pag-asa ng bayan. Ayon pa nga sa isang tanyag na lider-estudyante at aktibista ng Sigwa ng Unang Kuwarto na si Lean Alejandro, “Huwag ninyong hayaan ang inyong pag-aaral ay maging sagabal sa inyong edukasyon.” Bagama’t pinatay siya sa edad na 27, isa si Lean sa mga tibak na sana’y naabutan ko man lamang habang siya’y nabubuhay pa. Ang pag-aaral sa loob ng paaralan ay parte lamang ng ating edukasyon. Ang totoong karunungan ay makikita sa labas ng unibersidad. Nabuo ang aking paniniwala na ang dunong at talas ng isipan ay walang halaga kung hindi ito gagamitin para sa ikabubuti ng lahat at para sa magandang bukas.

Ilang beses na rin akong nagduda kung tama ba ang aking pasya, lalo na sa mga panahong tila hindi nagbubunga ang mga sakripisyo. Ngunit ang lagi’t laging nagpapa-alab sa aking dibdib ay ang laksa-laksang taong iniiwan ang kanilang komportableng buhay, sinasakripisyo ang kanilang seguridad, ‘di-bale nang mapaos sa kasisigaw, kahit sunugin ng init ng araw ang balat, ang mga tibak na buong talino’t lakas ang iniaalay sa bayan. Kasama diyan ang masang anakpawis na kahit tatlong beses na pagkain sa isang araw ay katakot-takot na pagbabanat ng buto ang dinadaanan, ang mga magulang na ang buhay ng kanilang mga anak ay inialay sa bayan, mga anak na lumaki sa piling ng mga magulang na hindi sumuko sa pakikipaglaban, ang mga kasamang nasa kanayunan at tinatahak ang kabundukan upang palakasin ang pwersang tunay na magpoprotekta sa bayan, at ang mga kasamang patuloy na nagmumulat sa mas maraming kabataan.

Hangga’t lahat sila’y kasama kong nakataas ang kamao sa pagmartsa’t pagsigaw, lagi’t lagi akong lalabas sa paaralan patungo sa lansangan—kasama ng masa sa paglikha ng kasaysayan, umulan man o umaraw.

At sa araw na magpasya kang lumabas, sasalubungin ka namin, kasama ang iba pang kabataan sa daluyong ng mamamayan.

Moralesfooter

Please follow and like us:
0