Panayam kay Ka Fidel Agcaoili ng NDFP hinggil sa peace talks, Yolanda reconstruction

Tacloban City – Nakapanayam ng Eastern Vista ang tumatayong tagapagsalita ngayon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Ka Fidel Agcaoili. Nilalaman ng panayam ang mga pagtingin ng NDFP sa mga isyu hinggil sa inaasahang pormal na pagbubukas ng usapang pangkapayapaan (peace talks) sa pagitan ng NDFP at ng gobyerno ng Pilipinas (GPH) sa ilalim ng bagong Presidente Rodrigo Duterte. Napag-usapan rin ang mga isyu hinggil sa rekonstruksyon matapos ang superbagyong Yolanda sa Eastern Visayas; at hinggil sa papel na maaaring gampanan ng mamamayan sa pagsusulong ng peace talks.

Inirekord ang panayam na ito noong Hunyo 30, ilang oras matapos ang opisyal na panunumpa ni Presidente Duterte sa Malakanyang.


1. FC (Eastern Vista): Magandang gabi po Ka Fidel! Ngayong araw po, nanumpa na si President-elect Rodrigo Duterte bilang ika-16 na Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Nasa kapangyarihan na po siya para tugunan at ipatupad ang mga kahilingan ng mamamayan, isa na po rito ang pormal at muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng bagong administrasyon at ng mga rebolusyaryong pwersa na kinakatawan ng National Democratic Front of the Philippines. Sa ngayon po ba, nasa anong katayuan, o status, na ang GPH-NDF peace talks?

Fidel Agcaoili (NDFP): Pagbati sa inyong lahat diyan sa Eastern Visayas lalo na dito sa Tacloban. Mabuti binigyan niyo ako ng pagkakataon na makaharap kayo para masagot ang inyong ilang mga katanungan.

Sa kasalukuyan, ang status ng peace negotiations ay maganda. Optimistiko kami sa mga nangyayari. Ngayon ay katatapos lang ng preliminary talks sa Oslo, sa pagitan ng NDF at saka ng GRP. Tatlo sa kanila ang pumunta dun – si Jess Dureza, si Bebot Bello, at saka si Nani Braganza. Sa amin naman ay lima kami, tapos meron kaming dalawang abogadong katulong. Ngayon, doon napagkaisahan namin na bubuksan na namin ang formal talks sa July – sa third week ng July, sa Oslo ulit.

Ang aming agenda sa usapan nayan ay: una, ang pag-reaffirm sa basic at previously-signed agreements; pangalawa, tungkol sa pag-reconstitute sa JASIG; pangatlo, tungkol sa paano ia-accelerate ang peace negotiations; pang-apat, ay tungkol sa mode of ceasefire, na ipapatupad sakaling magkaroon ng mutually-agreed upon ceasefire or indefinite ceasefire; [pang-lima], yun na, yung kanilang ire-recommend na palalayain immediately para makapag-participate sa talks, ang mga consultants, 21 sila;

Ang mga detainees for humanitarian considerations ay dapat palayain tulad ng mga maysakit, mga matatanda na beyond 60 years old, yung mga long-termers more than 10 years na in prison, mga 100iyan eh, at saka yung mga women, at yung mga mag-asawa – kasi under international standrads hindi dapat ikinukulong ang mag-asawa eh, at least isa kanila dapat pinalalaya para mag-alaga ng mga bata, ng kanilang mga anak.

Anyway, iyan yung napagkaisahan. Kaya ngayon naibigay na namin sa GRP [Government of the Republic of the Philippines] ang listahan ng mga dapat palayain. Ine-expect namin na beginning today, o July 1, ay sisimulan na nila ang proseso ng pagpapalaya diyan sa consultants at saka sa mga may sakit, may karamdaman, matagal nang nakakulong, at saka mga matatanda na. Anyway yun ang kasalukuyang kalagayan.

Dun sa pag-uusap namin nina Bebot Bello nung ako’y nasa Davao [nung 28], nabanggit na niya na ang aasikaso para sa pagpapalaya ng mga detainees na aming hinihingi ay si Nani Braganza. Ngayon ay sinusubukan ko siyang tawagan para malaman kung ano na ang plano at kung papaano kami makatulong, paano makatulong yung Joint Secretariat sa planong iyan. Bale yun ang kasalukuyan na status.

Hindi iyan katulad noong panahon ni Aquino na talagang walang movement at saka pinilit nila na wasakin ang mga agreements na pinirmahan na. Itong Duterte administration ay kaagad sinabi nilang irerespeto nila ang mga agreements na napagkaisahan at napirmahan noong panahon ni President Fidel Ramos. Iyan bale ang status ng peace negotiations.


2. FC (Eastern Vista): Ano po ang naging exchanges, so far, sa bahagi ni President Duterte at ng National Democratic Front para isulong ang isang tiyak na pag-uusap ng dalawang kampo sa balangkas ng magaganap na formal peace talks?

Fidel Agcaoili (NDFP): Actually mutual ang nangyaring pagtugon. Simula noong tumakbo si President Duterte ay meron na siyang mga sinasabi na kanyang gagawin kung siya’y mananalo. At ito naman ay tinugunan kaagad ng NDF. Kaya noong a few days before magkaroon ng eleksyon, nagkaroon ng Skype na pag-uusap si Professor [Jose Maria] Sison at si President Duterte at doon ay meron silang mga napagkaisahan.

Kaya nang manalo kaagad si President Duterte, ako ay nagpunta sa kanya sa Davao para iharap yung aming kahilingan na magkaroon, masimulan na kaagad ang pag-uusap. Tumugon naman kaagad siya at kanyang sinabi na ipapadala niya ang kanyang mga emissaries, at yun nga ang nangyari. Nagpunta ang tatlo niyang emissaries sa Oslo at doon kami nagkaroon ng pag-uusap.

Ngayon, makikita naman natin na si President Duterte ay tumutupad sa kanyang mga sinasabi, tulad nang nangmungkahi siya na magbigay ng apat na posisyon sa executive department sa mga miyembro daw ng revolutionary movement. Subalit ang naging tugon namin doon ay, kaming mga nasa underground o nandiyan sa nasa [peace] panel ay hindi muna pwedeng tumanggap ng posisyon, pero kami ay handang mag-recommend ng mga progresibo, pro-people na mga personahe at may kapasidad na mag-perform ng kanilang duties, at may integridad. At yun na nga tinanggap naman niya.

Ni-nominate namin si Judy Taguiwalo para sa DSWD (Department of Social Welfare and Development), si Ka Paeng Mariano para sa DAR (Department of Agrarian Reform), si Ka Joel Maglungsod bilang Usec ng DOLE (Department of Labor and Employment), kasi in-appoint na niya kaagad si Bebot bilang secretary ng Labor. Kami naman wala namang objection kay Secretary Bello bilang DOLE, kaya OK, hindi na namin in-oppose yun kundi sinabi nalang namin na heto inihahapag naman namin si Joel Maglungsod bilang Usec. Meron din pong ia-appoint siya mula sa hanay ng progresibo sa NAPC, kaya lang hindi pa ho niya naia-announce. Iyan ang mga responses, mutual responses.


3. FC (Eastern Vista): Ano po ba ang inyong paglilinaw sa pagkakaiba ni President Duterte at ni former President Noynoy Aquino hinggil sa kanilang posisyon sa peace talks? Paano nyo po isasalarawan ang mas magandang relasyon ni Duterte sa Kilusang Kaliwa at maging sa NDF mismo?

Fidel Agcaoili (NDFP): Malaki ang pagkakaiba. Alam niyo si President Duterte ay may mahabang karanasan ng pakikipag-ugnayan sa revolutionary movement doon sa Mindanao, matagal na iyan since 1986 pa. Meron na siyang pakikipag-ugnayan dun.

Pangalawa, sa mismong pagtindig niya at pagposisyon sa mga issues na mahahalaga, tulad ng sa Lumad, tulad ng sa extrajudicial killings ng mga aktibista, tulad ng pag-aaresto sa mga aktibista, tulad ng sa contractualization, sa pensyon, etc. Kita mong progresibo ang kanyang nagiging paninindigan. Kaya yun ay parang nagpaluwag para sa NDF sa pakikitungo sa kanya.

Sinabi pa niya na siya ay leftist, eh alam naman natin kapag sinabi ng isang tao na siya’y leftist siya ay maka-manggagawa at saka makamahihirap. Sinabi rin niya na siya ay sosyalista, naniniwala siya sa pagkakapantay-pantay ng mga tao at sa social justice.

So iyan ang mga bagay na kinosider ng NDF at nagpakita na si President Duterte ay kakaiba sa mga dating mga pangulo. Meron din siyang political will at meron din namang political will ang NDF na maituloy ang usapang-pangkapayapaan at maisagawa ang mga agreements on social and economic reforms, political and constitutional reforms at saka yung sa cessation of hostilities and disposition of forces. Yun ang tatlong items ng agenda na natitira na lamang.

So makikita mong malaki ang pagkakaiba ni President Duterte sa mga nakaraang pangulo lalo na kay Gloria Arroyo at saka dito kay Pnoy. Si President Fidel Ramos ay naging bukas din, kaya nga sa ilalim ng kanyang pamumuno ay nagkaroon ng 12 agreements na pinirmahan sa pagitan nd NDF at saka ng GRP.

Sa panahon naman ni Estrada ay inapprove niya ang CARHIHL (Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law). Meron din siyang nagawa kahit na afterwards nag-declare siya ng all-out war laban sa kilusan.

Pero si President Gloria Arroyo, sa simula ay maganda subalit afterwards ay nagkaroon na ng Oplan Bantay Laya 1 & 2.

Si Pnoy talagang walang kausad-usad. Talagang ang kanilang naging patakaran ay sugpuin at pasukuin ang revolutionary movement, wasakin ang mga agreements na napirmahan nung panahon ni Fidel Ramos at saka ni Estrada, magkulong nang magkulong at huwag magpalaya.

Alam niyo ba sa panahon ni PNoy, may tatlong prisoners na namatay sa loob ng kaniyang bilangguan? Malaking kasalanan iyan. Kung di nila kayang magbilanggo eh dapat magpalaya sila, o bigyan nila ng sapat na medical attention.

Pero sa ilalim ni Aquino, talagang walang puso iyan eh. Kaya iyan ang malaking pagkakaiba, sa pagitan ni President Duterte, sa isang panig, at saka nila GMA at saka ni Aquino.


4. FC (Eastern Vista): Noong mga nakaraang linggo, lumalabas po ang mga negatibong pahayag ukol sa takbo at kahihinatnan ng GPH-NDF peace talks mula sa tinawag niyong ‘spoilers’, katulad ni former National Security Adviser Norberto Gonzales. Ano po ang pahayag niyo dito?

Fidel Agcaoili (NDFP): Ganun na nga, sa tingin namin ay hindi mawawalan ng mga spoilers na siyang gustong wasakin o i-prevent ang pagkaisa ng bayan at saka pagkakaroon ng peace negotiations.

Ang pangunahing spoiler diyan na masasabi natin ay ang US imperialism. Ni wala pa ngang tatlong linggo, inulit na naman nila ang kanilang terrorist listing laban sa NPA (New People’s Army), sa CPP (Communist Party of the Philippines) at saka kay Professor Sison. May epekto iyan talaga sa balak na mapauwi si Professor Sison o kaya ay magkaroon ng pakikipag-usap sa amin. Buti nalang itong mga Norwegians ay hindi sila pumapaloob dun sa ginagawang pagte-terrorist list ng US at saka ng European Union. Ang sinasabi nila eh hindi kami magsa-subscribe diyan, that will prevent us from talking with the revolutionary groups. Kasi lahat ng revolutionary groups nilalagay nila sa terrorist listing. Kaya iyan, ang number 1 ay US imperialism.

Dito naman sa atin ay mayroong mga elemento sa millitar, at civilian katulad ni Norberto Gonzales, na mga talagang sagad-saring anti-komunista na wala na talagang ikinabuhay kundi labanan ang so-called evils ng komunismo. Alam mo ang pag-iisip ni Norberto Gonzales ay nakalublob na lang dun sa panahon ng cold war. Hindi na siya umigpaw-igpaw dun. Hindi na niya nakita ang iba’t-iba pang mga developments. Kaya iyan ay dapat nating bantayan.

Diyan din natin masusukat ang determinasyon ng Duterte administration na makipagkaisa o magkaroon ng mga agreements tungkol sa usapang pangkapayapaan. Kasi kung maaalala niyo, si Cory Aquino nung simula ay open siya, pinalaya pa nga niya through general amnesty sina Joma, sina Dante, sina Boy Morales, sina Ed dela Torre. Lahat niyan pinalaya niya under a general amnesty. Pero nung after a while nang siya ay sinundut-sundot na ng militar, yung una yung God Save the Queen nung November 1987 nung inukot si Ka Lando Olalia at saka yung kanyang driver. At katapos ay may demand sila na dapat alisin si Cory sa kanyang gabinete yung mga tinatawag nilang leftist tulad ni Bobbit Sanchez, Joker Arroyo, Teddy Boy Locsin, Rene Saguisag, ganyan. Wala, natigatig na siya at in-unsheathe na niya ang so-called sword of war. Ito ay immediately after nangyari ang Mendiola Massacre noong 1987. [Sa gitna ng] mga spoilers, doon natin makikita ang political will at determination ni President Duterte.

Mukhang lumabo ang possibility na makauwi si Professor Sison dahil diyan sa announcement na iyan ng US kasi maraming magiging sagabal diyan. Una para makauwi siya, kinakailangan na i-assure ang kanyang safety. At sa ilang mga bagay hindi makakaya ng gobyerno o pamahalaan ni Rodrigo Duterte na mabigyan siya ng safety. Halimbawa kung nakasakay siya sa eroplano at dadaan sa mga bansa, eh pupwedeng i-interdict ng US yung kanyang sasakyang eroplano, ipababa, kunin si Joma at dalhin sa Guantanamo Bay, dun sa kanilang preso diyan sa Cuba. Iyan ay hindi malayong posibilidad. Kasi, kung maaalala natin, kung si President Evo Morales mismo, nakuha ng US na ipababa, interdict, yung kanyang eroplano nung siya ay nagbiyahe mula Britain pauwi sa Ecuador, pinababa sa Italy sa suspicion na dala ni Evo Morales si Assange, yun bang nag-seek ng asylum sa embassy ng Bolivia. So dun mo makikita ang kakayahan ng US. Pwede nilang gamitin ang Interpol sa bagay na iyan, katulad ng ginawa nila diyan sa kay Evo Morales. So iyan ang isang problema.

Isa pang malaking problema ay – mismo namang si President Duterte ay alam niya na hindi niya makakayang habambuhay na proteksyunan, bigyan ng proteksyon, si Joma dito sa Pilipinas. Kaya OK lang sa kanya na umuwi at saka na umalis uli. Pero kung papayagan niyang umalis uli – at talaga namang dapat niyang payagan – eh saan naman pupunta si Joma kasi the moment na umalis siya ng Holland at pumunta ng Pilipinas, mawawala na yung protection niya as a refugee under Article III of the European Convention. Kaya bago siya umalis dapat ng Holland, malinaw na bibigyan siya ng return visum ng Holland para makabalik dun, total nandudoon kasi ang asawa niya, at nandudoon din ang dalawang anak niya.

Ang posibilidad ng pagpunta ni Jose Maria Sison pabalik dito sa Pilipinas ay pwedeng mangyari kung magkakaroon ng mga diplomatic moves ang gobyernong Pilipinas at Norwegian government para matiyak na mayroong safety at saka matiyak na makakabalik si Professor Sison sa Hollanda after two weeks or one month.


5. FC (Eastern Vista): Hinggil po sa armadong pakikibaka bilang porma ng pakikibaka ng rebolusyaryong kilusan sa pamumuno ng Communist Party of the Philippines (CPP), paano po, sa tingin ninyo, makakaimpluwensya ang kasalukuyang estilo at pamumuno ni Dutere bilang isang lider na nauna nang nagpapakilalang ‘leftist’ rin? Paano po ba nito nahuhugis ang kasalukuyang gyera sibil sa pagitan ng gobyerno at ng mga rebolusyaryong pwersa sa pamumuno ng CPP?

Fidel Agcaoili (NDFP): Totoong umiigting – lalo na sa panahon ni Aquino, umigting, sa panahon ni Gloria Arroyo umigting – ang mga labanan sa pagitan ng armadong pwersa ng dalawang nagtutunggaling parang-estado na rin. Ganito, pwede namang ‘pag may ceasefire na sa pagitan ng NDF at saka ng gobyernong Duterte, ay pwedeng yung Bagong Hukbong Bayan (BHB o NPA) ay patuloy sa kanyang isinasagawang pag-oorganisa sa masa, pag-i-implement ng agrarian revolution, at pagti-training. At pwedeng idagdag pa riniyan na tulungan natin ang pamahalaan ni Rodrigo Duterte na habulin ang mga druglords at syndicates; panagutin sila sa ginagawa nilang paghahasik ng lagim sa mga kabataan, sa pagbebenta ng droga sa ating mga kabataan – maraming buhay na silang nasira dahil diyan. Yun ang isa. at pwede ring tulungan natin ang pamahalaan ni Duterte na habulin ang mga corrupt at plunderers diyan sa gobyerno.

Kaya hindi mawawalan ng maaaring gawin ang New People’s Army kahit na may ceasefire sa pagitan ng NDF at saka ng gobyerno ni Duterte. Halimbawa yung statement ni Santiago Salas, tama lamang na habulin yung mga druglords. Kung talagang may ebidensya, kasi alam mo, talagang galit na galit si President Duterte sa mga druglords, at saka lalo na sa mga drug pushers. Hanggang ngayon eh, ayaw niya talagang tanggapin, nang sinabi ng NPA na palalayain yung Major na nahuli nito diyan sa Compostela Valley, pero nahuli na merong shabu – at saka yung kaniyang police station ay andami-daming shabu, ibig sabihin isang distribution point ng paghahasik ng shabu – ayaw niyang tanggapin, kayo na [raw] ang bahala diyan.

Samaktwid, kung hahabulin natin ang mga druglords diyan sa Eastern Visayas ay matutuwa pa, o makakatulong natin ang pamahalaang Duterte sa bagay na iyan.


6. FC (Eastern Vista): Bakit kailangang makibahagi ng mamamayan sa GPH-NDF peace talks? Ano ang pwedeng maging porma ng pakikibahagi ang maaaring papelan ng mamamayan sa Eastern Visayas sa usapang pangkapayapaan?

Fidel Agcaoili (NDFP): Aba mahalaga ang usapang-pangkapayapaan kasi ito ang, kung halimbawa magkakaroon ng agreement on social, economic and political reforms then yung makakamit diyan sa isasakatuparang reporma, [magbebenepisyo] hindi lamang sa Manila, o sa Mindanao kundi pati Eastern Visayas.

Halimbawa, magkaroon ng agreement tungkol diyan sa mina, pagtiyak na yung ating mineral resources ay tayo mismo ang magde-develop at hindi iyan ilalabas ng bansa, aba ay malaking tulong iyan sa Eastern Visayas, lalo na sa Samar kasi maraming mga minahan diyan na ang mga produkto ay inilalabas na lamang.

Halimbawa, magkaroon ng agreement tungkol sa logging, mga ganyan, aba malaking maitutulong niyan. Yun ang kahalagahan ng peace negotiations. Kapag nagkaroon ng pagkakaisa sa mga economic and social concerns, eh di pati people sa Eastern Visayas ay makikinabang.

Halimbawa, yung magkaroon ng patakaran na free education, free healthcare, free housing, lahat ng Pilipino makikinabang diyan. Halimbawa magkaroon ng taas ng sweldo, eh di siyempre makikinabang lahat. O magkaroon ng tunay na reporma sa lupa, aba eh makikinabang yung mga magsasaka sa Eastern Visayas lalo na yung mga nasa coconut plantations.


7. FC (Eastern Vista): Sa kasalukuyang yugto ng peace talks, magiging bahagi ba sa pag-uusap ang isyu ng rehabilitasyon at rekonstruksyon sa mga komunidad na apektado ng Yolanda?

Fidel Agcaoili (NDFP): Makakasama yun sa usapang-pangkapayapaan. In general terms, kung papaano dapat magre-respond ang gobyerno pagdating sa mga kalamidad. Pero sa ngayon pa lang sa tingin ko, sa pamamagitan ng DSWD – yung nakaupo sa ngayon diyan na si Judy Taguiwalo – ay meron nang makakamit ang mga Yolanda victims diyan. Hindi tulad ng ginawa nitong dating DSWD Secretary, iyan si Dinky Soliman, na talagang tinikis ata kayo, yung perang ibinigay na para sa inyo ay di na alam kung saan na napunta.

Tapos yung mga goods ay nabulok na at ibinaon, aba eh lahat iyan kailangan iyan panagutan. At saka ngayon pwedeng malinaw na marehabilitate ang mga pamilya na nasalanta nung panahon ng Yolanda sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mahusay na response o services ng DSWD ngayon sa ilalim ni Judy Taguiwalo.


8. FC (Eastern Vista): Sa mga lugar na nasalanta ng malalaking kalamidad katulad ng Yolanda sa Kabisayaan, sinasabing malaki pa rin po ang pangangailangan na ayuda. May mga malalaking non-government at government organizations na kalakhan po ay kumukuha ng pondo mula sa mga bansa katulad ng US, sa pamamagitan, halimbawa, ng USAID. Ayon sa mga people’s organizations sa Eastern Visayas, naging pabango ng US ang ginawa nila pagkatapos ng Yolanda, at naging dahilan para bigyang katwiran ang mga kasunduan katulad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA)? May komento po ba kayo hinggil sa ganitong hakbang ng US at ng ilang malalaking NGO hinggil sa post-Yolanda rehab?

Fidel Agcaoili (NDFP): Kailangan talagang maging mulat ang mga naniniwala sa tunay na pagbabago sa pamamagitan ng pambansang demokrasya, pagpapatupad sa pambansang kasarinlan at paglaya sa pyudalismo. Kailangan maging vigilant sa ganyang klaseng mga agencies ng foreign governments at saka sa mga NGOs na nagpapanggap na sila ay tutulong daw subalit ang karamihan ng pondo ay nagagamit para sa kanilang mga empleyado, bumibili ng mga magagandang kotse para daw kunyari mabilis nilang maide-deliver sa mga biktima [ang tulong] pero sila rin ang gumagamit; at tapos nagtataasan ang mga sweldo ng mga empleyado nila, ng mga NGOs na iyan.

Kaya kinakailangan talagang maging mapagmatyag, pag-aralan ng mabuti iyan, kumuha ng mga datos, iharap sa bayan sa pamamagitan ng press at ipakita kung ano ang ginagawa ng mga iyan para I-subvert ang pambansang soberanya ng Pilipinas.

Talagang kailangan nating bantayan iyan lalo na ngayon nga na papasok si Presidente Duterte, pag siya ay talagang tumindig para sa pambansang kasarinlan tiyak na ia-undermine siya lalo na nga ng US imperialism, tulad ng ginagawa nila kay Hugo Chavez at ngayon ginagawa nila kay Maduro; at tulad ng ginawa nila sa Brazil kay [Dilma] Rouseff na wala namang ginawang korapsyon. Yung mga pumalit sa kanya ang talagang corrupt at may mga kaso sa korte pero siya yung pinalilitaw na corrupt para lang alisin siya kasi naninindigan nga siya para sa pambansang soberanya.

Kaya iyan kinakailangan talagang bantayan, at totoo ang sinasabi niyo, iyang mga iyan ginagamit ang mga ganitong kalamidad para makapasok at manghimasok sa ating lipunan at supilin ang ating pambansang kalayaan.

Ang akin pong hihilingin sa mga kababayan natin diyan sa Eastern Visayas ay sana po ay tumulong kayo na ilaban ang muling pag-resume at patuloy na pag-uusap ng gobyernong Duterte at ng NDF para magkaroon ng mga agreement on social and economic reforms, on political and constitutional reforms, on end of hostilities and disposition of forces, para magkaroon ng isang pamahalaan sa ating bansa na sinasabi nating a government of national unity, peace and development.

Sana po ay tulungan niyo ang NDF na mapalaya lahat ang mga bilanggong pulitikal, maisakatuparan ang hinihiling na national and democratic inspirations ng Filipino people para magkaroon tayo ng isang bansang malaya, makatarungan, independyente at makamamamayan. Iyan po ang aming kahilingan. Maraming salamat sa inyo.

Narito ang link ng bidyo ng buong panayam:

Please follow and like us:
0

Eastern Vista

Eastern Vista is an alternative media organization in Eastern Visayas. Stories of people in the struggle for justice and aid after super typhoon Yolanda inspired its creation in 2014. Eastern Vista is also a co-producer of Lingganay han Kamatuoran, a Waray-based radio magazine program airing since 2003. From Eastern Philippines, Eastern Vista shares the news and views from a people rising.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *